Feature: Pagsulyap sa Nakaraan

Ni Santiago Arceo III ('06)


Hay naku!!! Hindi ko talaga makakalimutan ang mga alaala na puno ng kaligayahan sa aking puso’t isipan. Maniwala man kayo o hindi, pero ’yan ang totoo... mga alaala na hindi ko akalain na magkakasama-sama ang iba’t-ibang batch ng paaralang aking pinagmulan nuong ako’y nasa haiskul pa lamang, ang ”Manuel Luis Quezon High School”...

Isang Sabado, ako at ilang dating Quezonian ay naanyayahang bumisita sa ”Jade Farm” na pag-aari ni G. Manny Santos. Maagang-maaga kaming nagkita-kita sa istasyon ng bus sa Taft upang maaga rin kaming makarating sa aming paroroonan.

Habang nasa bus ang mga Quezonian ay napansin ko na ang iba ay unti-unting ipinipikit ang kanilang mga mata sa sobrang antok. May mga tela na nakabalabal sa kanilang katawan dahil sa sobrang lamig at mga ulo na kanya-kanyang hilig para makatulog ng mahimbing. Napangiti na lang ako sa kanila at naalala ko nung haiskul, ganyan din ang gawain ko kasama ng mga kaibigan ko sa tuwing bibiyahe.

May kalahating oras din kaming bumagtas sa kahabaan ng South Luzon Expressway bago tuluyang nakaalis sa Metro Manila. Habang umaandar ang bus ay nakatingin ako sa labas ng bintana at hindi ko akalain na makakakita ako ng mga magagandang tanawin, mga puno na matataas at nangingibabaw na makukulay na bulaklak. Sa dako pa roon, nakita ko ang Bundok ng Maria Makiling at nalaman ko na nasa Laguna na pala ang aming sasakyan. Nagsimula nang gumising ang mga natutulog. Pagbaba namin sa bus nalanghap ko ang sariwang hangin ng San Pablo, Laguna. Bigla na lang akong napaisip na ”Sana ganito rin ang hangin sa Maynila”.

Sumakay na naman kami sa isang pampasaherong dyip upang makarating sa ”Jade Farm” ni G. Santos. Mga ilang sandali pa ay narating namin ang lugar at nakakita naman kami ng mga nagtataasang puno na ang bunga pala ay lansones. Habang papasok ay nakita rin namin ang maraming manok na panabong na pag-aari ni G. Santos.

Saglit kaming nagpahinga at dumulog sa almusal na sadyang inihanda para sa amin. Matapos ang kainan gumala ang ilan sa paligid upang mag-usyoso sa naiibang kapaligiran. Nang makapananghali, ang mga Quezonian ay naglakad na papunta sa “Pandin Lake”. Napa-“wow” ako ng makita ko ang lawa na sobrang ganda ng paligid, sobrang liwanag at malinis ang tubig kaya hindi ako nagdalawang isip na mag-swimming.

Lumipas ang ilang sandali, humakbang na kami sa isang malaking balsa para pumasyal sa gitna, gilid at dulo ng maaliwalas na lawa. Habang umaandar ang malaking balsa ay ibinuhos na ang lansones at inilatag ang isang bilaong biko at mga inumin sa ibabaw ng mesa.

Nagkatawanan kami ng makita namin ang isang ”talon” na parang gripo ang tulo ng tubig. Nasa dulo na ng lawa ang balsang kinatatayuan namin. Todo ngiti ang mga Quezonian habang kinukunan ng litrato sa may “talon”.

Dumating na ang sandaling pinakahihintay namin- ang lumangoy sa isang malinis na lawa. Kaya naman swimming-to-the-max kami habang nagbibiruan at pikunan. Masayang-masaya kami ng araw na iyon lalo na nang umakyat kami sa isa pang bundok para makita ang kabilang lawa na tinagurian nilang “asawa” ng “Pandin Lake”.

Pagbaba namin sa bundok ay nakipagkarera naman kami habang sakay ng isang maliit na balsa. Mahabang oras din kaming nagtagal sa lawa. Palubog na ang araw kaya tumulak na kami pabalik sa asyenda ni G. Santos.

Pagkabalik namin ay nagsipaligo kami uli at nagbihis upang pagsaluhan ang isang masaganang hapunan. Matapos naming kumain ay nag-umpisa na ang inihandang programa ng mga alumni. Nagpakilala sila isa-isa at ganuon din ang aming ginawa. Nagbigay ng maiikling talumpati ang ilan sa kanila pati si G. Manny Santos, ang Pangulo ng MLQHS Alumni Foundation. Inawit namin ang theme song ng Foundation, ang ”If We Hold On Together” at ”Through The Years”. Saglit din kaming nagkantahan bago naghanda na kami para umuwi dahil lumalalim na ang gabi. May pabaon pa kaming kalahating kaing ng lansones para pasalubong sa aming pamilya.

Sa wakas, happy pa rin ang bonding ng mga Quezonian. Kahit na nag-uumpisa nang manakit ang aming mga katawan, pagod sa biyahe at kung anu-ano pang hirap na dinanas ay hindi talaga namin makakalimutan ang mga pangyayari sa araw na iyon.

Habang nagpapahangin ako sa labas ng aming bahay ay may tumapik sa aking balikat at sinabing “Lolo… may naalala na naman kayo. Ang lalim ng iniisip mo po, eh. Pasok na daw po kayo sa bahay at matutulog na po tayo.”

At napangiti na lang ako...

Comments

Be the first to post a comment.

Your Ad Here